Kung hindi ka na babalik

Manila, Philippines | July 2016

Kung hindi ka na babalik, ayos lang naman. Siguro.
Siguro sa dami ng mga salitang nasabi at hindi nasabi
Siguro sa dami ng mga bagay na naramdaman at hindi naramdaman
Siguro hindi na magbabago, sadyang hanggang duon lang tayo. 

Kung hindi ka na babalik, mag-ingat ka. 
Ingat ka sa mundong sadyang malupit baka madapa ka
Ingat ka sa muli mong pagbangon sa mga oras na lugmok ka
Ingat ka sa bago mong landas at maging masaya ka. 

Kung hindi ka na babalik, maalala mo pa rin sana
Ang bawat kuwento at salita habang nakasandal sa dingding
Ang bawat galaw, tingin, at tunog ng tawa na minsa'y naging bahagi din 
Ang pakiramdam sa mga sandaling hindi atin ngunit hindi rin naman sakanila. 

Kung hindi ka na babalik, hayaan mo akong lumuha.
Hayaan mo na ilabas ko sa mundo ang pagtanggap sa paglisan mo
Hayaan mo na malungkot ako dahil wala ka na
Hayaan mo na damdamin ko ang posibilidad na hindi ka na nga babalik

Kung hindi ka na babalik, saan ka ba pupunta?
Baking hindi mo sabihin sa akin kung saan at bakit?
Bakit hindi mo ipakita ang dapat na maipakita?
Bakit hindi mo ipadama ang dapat na maipadama?

Kung hindi ka na babalik, paano na ako?
Paano na ang mga kuwento?
Paano na ang mga malamlam na gabi?
Paano na ang puso ko?

Kung hindi ka na babalik, paalam. 
Paalam sa lahat ng kahapon na nagdaan
Paalam sa mga kuwentong masaya at makabuluhan
Paalam sa alaala mo. Paalam sa damdamin ko para sayo. 

Kung hindi ka na babalik, edi wag na talaga. 
Ayoko na balikan ang lahat ng sakit na iniwan mo
Ayoko na maalala lahat ng masaya at ang pag-ibig ko
Ayoko na madama na mahal pala kita; na mahal pa rin pala kita. 

Kung hindi ka na babalik, ayos lang naman. 

Siguro.



Comments

  1. Mahal pa rin kita :( sana nasabi ko lahat dati. Sana hindi nalang ako hanggang tingin sa pictures, Sana marinig ko ulit yung boses mo na malambing; ngayon hanggang sana nalang ako ma'am.

    ReplyDelete

Post a Comment

Popular posts from this blog

Montalban Waterpark and Garden Resort

Ang Liham ni Andres Bonifacio kay Ka Oryang

Pinto Art Museum